Himig ng Paglisan

Dibuho ni Ysa Calinawan

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 3 ng Philippine Collegian noong 27 Hunyo 2012.)

Alas-nuwebe pa lang ng gabi, pumuputok na sa dami ng tao ang 70’s Bistro sa Anonas. Tila magkakakilala ang karamihan ng nasa loob at labas ng bar. Ang iba’y magkakaibigang napagtibay ang samahan dahil sa kanyang musika. Ang iba nama’y mga magkakarelasyong minarkahan ang mga natatanging sandali ng kanilang pagsasama ng kanyang mga awitin.

Sa gitna ng usok ng mga sigarilyo at kalatog ng mga bote ng serbesa, namumuo ang antisipasyon para sa paglabas ni Cynthia Alexander. Espesyal ang gabing ito dahil isa ito sa mga huli niyang pagtatanghal bago siya lumisan ng bansa patungong Seattle, Washington, kung saan siya maninirahan kasama ang kanyang pamilya.

Sa isang banyagang lupain, magbubukas si Alexander ng bagong landas, hindi lamang para sa kanyang musika, kung hindi para na rin sa musikang Pilipino.

Bagong himig

Dekada ’90 nang unang makilala si Cynthia Alexander, kapatid ni Joey Ayala, isa ring musikero, at dating miyembro ng bandang Bagong Lumad. Bilang isang pigura sa larangan ng musika, taal sa alaala ng karamihan ang kanyang balingkinitang katawan, mahabang buhok, at malalaking tenga. Bitbit ang kanyang gitara, hindi naiwasang ihambing si Alexander kay Alanis Morissette, isang Canadian guitarist at singer-songwriter na naging tanyag rin noong panahong iyon.

Sa dekada kung kailan namayagpag ang mga henerikong girl groups at boy bands, tumatak sa mga tagapakinig ang bagong himig ni Alexander. Nakilala ang kanyang musika sa pagkakaroon ng lirisismo ng pagtula, at saliw sa mga ritmong nililikha ng mga katutubo at Asyanong instrumento. Sa kanyang 14 na taon sa larangan ng musika, nakalikha na siya ng tatlong album at nanalo ng samu’t saring mga parangal sa loob at labas ng bansa, hindi lamang para sa kanyang mga awitin kung hindi pati na rin sa kanyang pagtugtog ng bass.

Bagaman masasabing may makulay na karera at matibay na cult following, pinili ngayon ni Alexander na mangibang-bansa. Maraming nag-aagam-agam ukol sa dahilan ng kanyang paglisan. Bagaman tinuturan ni Alexander na bunsod ito ng pagnanais na dalhin ang musikang Pilipino sa mas malaking arena, marami pa ring nagsasabi na bunga ito ng kakulangan, kung hindi man tahasang kawalan, ng lokal na pagsuporta sa kanyang musika.

Sa kabuuan ng kanyang karera, masasabing hindi nagkaroon ng sariling talent manager at recording label si Alexander tulad ng inaasahan sa industriya ng musika. Bihira siyang nagkakaroon ng guestings sa mga primetime talk shows at variety shows, at hindi siya nagdadaos ng concert sa malalaking arena. Napagtibay ang kanyang cult following dahil sa kanyang mga pagtatanghal sa mga lugar gaya ng 70’s Bistro at Conspiracy Cafe, na parehong nasa Quezon City.

Bunsod ng karanasan sa paglikha ng kanyang unang album, kung saan ninais ng isang record label na baguhin ang tunog ng musika ni Alexander at ibenta siya bilang lokal na Alanis Morissette, pinili ni Alexander na hindi na lang magpatali sa isang major record label. Bagaman may angking kalayaan ang paglalabas ng album hiwalay sa pangangasiwa at pamantayan ng isang record label, aminado si Alexander na mahirap pa ring tumagal sa industriya nang walang suporta para sa kanyang sining.

Sa darating na Hunyo 27, lilisanin ni Alexander at ng kaniyang pamilya ang Pilipinas tungong Seattle, Washington, kung saan sila maninirahan. Nabigyan siya ng artist’s visa sa bisa ng pag-endorso sa kanya ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Sa lugar ng mga mamahaling kape at sanlaksang flannel shirts, hahawan ng panibagong landas si Alexander para sa musikang Pilipino.

Lumang tugtugin

Bunsod ng napabalitang paglisan ni Alexander, kabilaan ang nais humingi ng panayam ukol sa tunay na dahilan ng kanyang pag-alis. “Basically, I would say that I saw the opportunity for growth [there],” ani ni Alexander sa isang panayam sa PinoyTuner.com, ukol sa kanyang paglipat sa Amerika. “The Philippines is very rich, but we don’t have support,” dagdag pa niya.

Isa lamang si Alexander sa lumalaking bilang ng mga mang-aawit, kompositor, pintor, arkitekto at iba pang malilikhaing Pilipino na pinipili na lamang makipagsapalaran sa ibang bansa upang mahasa at mapalago ang kanilang sining. Bagaman hindi natatamasa ng karamihan ang kasikatang inaasahan, nabibigyan pa rin sila ng pagkakataong gumawa ng kabuhayan gamit ang kanilang sining.

Kaakibat ng kawalan ng lokal na suporta ang paglisan ng mga artista ng bayan, ngunit hindi ito nawawalay sa pangingibang-bansa ng higit sa walong milyong Pilipino, mga propesyunal man o skilled workers, na nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang magkaroon lamang ng hanapbuhay. Magkaiba man ng kalagayan, pareho itong bunsod ng kakulangan ng suporta ng pamahalaan para sa mga pangunahing pangangailangan ng kanyang mamamayan.

Bukod sa direktang pag-endorso ng pamahalaan, nakaeengganyo ang mga pangakong bitbit ng pangingibang-bansa, tulad ng mas magandang kalidad ng pamumuhay, mas mainam na edukasyon, at seguridad sa trabaho. Ngunit, higit sa lahat, bitbit nito ang pangako ng mas panatag na pamumuhay, na nananatiling mailap sa ating bansa. Para sa mga artistang kagaya ni Alexander, dagdag pa ang bitbit na kalayaan sa paggamit at pagpapalaganap ng kanilang sining.

Sintomas ng kawalan ng tunay na pagbabago at pag-unlad sa ating bansa ang patuloy na pag-alis ng ating mga propesyunal at skilled workers. Ang kakayanan ng estado na panatilihin ang kanyang mga mamamayan habang lumilinang ng kabuhayan sa loob ng bansa ang matinding batayan ng kanyang katatagan at lehitimasyon bilang estado.

Sariling atin?

Hindi matatawaran ang husay ni Alexander sa pagsusulat ng mga awitin at paglalapat ng mga kakaibang  ritmo. Ngunit sa kasalukuyang iskema ng ating kultura, mas gugustuhin ng karamihan na kilalanin ang mga sumisikat na personalidad sa ibang bansa na baka may dugong Pilipino kesa ang mga lokal na talento na buo ang pagka-Pilipino.

Sa mga nagdaang buwan, pilit nating inangkin si Jessica Sanchez, isang contestant sa American Idol na may dugong Pilipino, bilang isang  talentong “sariling atin”, habang naisasantabi at naitutulak palabas ng bansa ang mga katulad ni Alexander, na siya rin namang representasyon ng talentong Pilipino. Habang nagluluksa ang bansa sa pagkatalo ni Sanchez sa American Idol, sanlaksa nang lokal na talento ang lumilisan ng bansa.

Bunsod marahil ito ng hindi maiwaksing pag-aangkla ng nosyon ng tagumpay sa pandaigdigang merkado. Hindi maipagmamalaki na talentong Pilipino hangga’t hindi kinikilala ng Hollywood o ng mga parangal na banyaga. Marahil, sa kanyang paglisan, batid ni Alexander ang ganitong tendensiya ng mga Pilipino. Kapag nagkaroon na siya ng pangalan sa Amerika, doon siya biglang sasambahin ng mga taong dati-rati’y hindi naman tinatangkilik ang kanyang musika.

Sa sistema kung saan nakaangkla pa rin sa pag-ikot ng merkado ang pagpapahalaga sa sining at talento, hindi maiiwasang maisantabi ang mga personalidad na itinuturing na hindi patok o hindi mabenta. Sa pabagu-bagong sensibilidad ng mga mamimili, maraming bumebenta ngunit hindi tumatagal, nauuso lang at hindi tunay na talento ang sandigan. Sa napatunayan ni Alexander, hindi madaling maisantabi ang tunay na talento. Maghahanap ito ng panibagong pugad at mapagtatagumpayan ang pabagu-bagong merkado.

Sa mga susunod na araw, lilisan na si Alexander at ang kanyang pamilya. Ngunit, ayon sa kanya,  hindi ito paglisan kung hindi isa lamang paglipat, isang paglapag sa bagong teritoryo upang higit pang mapalaganap ang talentong Pilipino. Tulad ng naratibo ng bawat Pilipinong bahagi ng diaspora, hindi makukumpleto ang kanyang paglalakbay hangga’t hindi siya nakauuwi sa sariling bayan, tangan ang mga napagtagumpayan sa isang banyagang bansa at bitbit ang himig ng pagbalik.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s