Kapit Bisig

(Unang nailathala ang mga akdang ito sa isyu 15 ng Philippine Collegian noong 06 Oktubre 2011 bilang bahagi ng Diliman Commune ng Kultura.)

Bagamat isang komunidad, wala naman raw iisang mukha ang iskolar ng bayan ng Diliman. Tayo raw ang pamantasan ng pagkakaiba-iba, ang unibersidad na yumayakap at nagpapaunlad pa sa kakanyahan ng bawat indibidwal. Pagpasok pa lang ng UP, makikita na si Oble na bukas ang bisig para sa lahat ng uri ng tao—wala umanong diskriminasyon kahit kanino.

Magkakaiba man, iisa lang ang tawag sa ating lahat. At marahil, gaano man kalayo ang ating ugali, paniniwala at hitsura sa isa’t isa, may mga bagay na pinagkakasunduan nating lahat. Higit sa lahat, may mga pwersang nagbubuklod sa atin sa iisang adhikain, at mga kondisyong patuloy nating ginagapi upang sama-sama nating mapangibabawan ang ating mga kakulangan.

Sa unang tingin, maaaring mababaw pa ang mga bagay na nagtatali sa atin bilang isang kolektibo, subalit  lagi’t laging may dahilan at pagkakataon para palalimin pa ang ating ugnayan. Mga pagtatangkang umugnay at bumuo ng mga pagkakaisa—ito ang diwa ng pagiging bahagi ng komunidad ng UP.

Photo-manipulation mula kay RD Aliposa

Bago pa man sumikat ang araw, abala na ang mga estudyante sa paglalatag ng mga streamer at sa pagtatarak ng mga bandera sa may AS steps. Ilan sa kanila, humigop pa ng mainit na kape o humithit ng yosi upang gisingin ang diwa. Nakapuwesto na rin ang kanilang mumunting sound system upang mabulahaw ang ibang guro na nagpipilit pa ring magklase.

Naghanda sila para sa isang martsa mula sa unibersidad patungong Mendiola. Pagpatak ng katanghalian, sabay-sabay silang sumuong sa 13 kilometrong lakaran upang iparating sa pamahalaan na kulang ang badyet nito sa edukasyon.

Pangalawang student strike na ito ng unibersidad. Kaisa ng mga mag-aaral ang kanilang mga guro at ang administrasyon sa pagkalampag sa pamahalaan na dagdagan ang subsidyo ng state universities at colleges. Humigit-kumulang 3000 mag-aaral ng UP Diliman ang nakilahok, hindi lamang sa pagliban sa kanilang mga klase, kundi pati na rin sa pagmartsa mula sa unibersidad patungong Mendiola. Sa Mendiola, nakipagkapitbisig sila sa iba pang mga mag-aaral ng iba pang pampublikong pamantasan at kolehiyo na apektado rin ng pagkaltas sa badyet.

Sa kasalukuyan, higit sa 20,000 estudyante ang nag-aaral sa kampus ng unibersidad sa Diliman. Sakop man ng iisang institusyon, batid ang pagkakapangkat-pangkat ng mga mag-aaral. Nandiyan ang pagkakaiba sa uri, disiplina, kurso, rehiyon, relihiyon at pulitikal na oryentasyon. Sa kabila ng lawak ng unibersidad, nagawa ng strike na mapagsama-sama ang libu-libong tao mula sa iba’t ibang panig ng pamantasan para sa iisang layunin: ang ipaglaban ang karapatan sa edukasyon.

Saksi ang kasaysayan sa pagkakaisa ng unibersidad sa mga panahon ng paniniil at katiwalain.  Bagama’t panahon ng kaguluhan at karahasan, hindi naging balakid ang diktadurya ni Marcos sa pagtitipon ng mga mapangahas at makabayang estudyante. Nang mabunyag ang kabulukan ng mga rehimeng Estrada at Arroyo, sama-samang nanindigan ang mga iskolar ng bayan kasama ang sambayanan upang patalsikin sila sa pwesto.

Sabi nga ng iba, nakaangkla na ang identidad ng iskolar ng bayan sa tradisyon ng pagkamulat at pagkilos. Sa ibang tao, lalo na sa labas ng pamantasan, inaasahan nila ang mga mag-aaral ng UP na manindigan sa oras ng pangangailangan.

Natunghayan sa student strike na buhay pa rin ang diwang ito sa pamantasan. Napatunayan na kaya ng iskolar ng bayan na iwanan ang kanyang mga klase at isantabi ang kanyang mga takdang-aralin para makiisa sa pagkilos. Ang mga kaklase mong nananahimik sa likod ng silid-aralan, masayang pinipintahan ang mga puting tela at ang kalsada ng mga slogan. Ang iba namang di mo pa nakakausap sa klase, makakawentuhan mo pala habang nagmamartsa.

Tuwing may mga pagkilos tulad ng strike, natututo ang mga iskolar ng bayan na lumabas sa comfort zone ng kanyang klasrum at bagtasin ang mga espasyong lagpas pa sa mga pader ng pamantasan. Sa mga lansangan, sinasalubong siya ng mga kapwa estudyante mula sa iba pang mga pamantasan at sektor. Dito, hindi kasinghalaga ng bandera ng eskwelahang pinanggalingan ang lakas ng sama-samang panawagan. Luma na ang kasabihan, subalit hanggang ngayo’y hindi pa rin napasisinungalingan: mas mabisa ang paglaban kung mas maraming kasama.

Higit pa sa ating pinanggalingan, pinagbubuklod ang mga iskolar ng bayan ng kanilang angking kamalayan at pagnanais na baguhin ang lipunan. Anumang panahon, laging may lugar ang iskolar ng bayan sa hanay ng mga taong may ipinaglalaban.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s