Mistulang alaala

(Unang nailathala ang mga akdang ito sa issue 18 ng Philippine Collegian noong 29 Nobyembre 2011 bilang bahagi ng Mga Leksyon sa Rebolusyon at Pagbabago ng Kultura.)

Hindi maikakaila ang mga signos. Sawa na ang mga tao sa kasalukuyan nilang kalagayan. Palagian na ang paggiit sa mga karapatang ipinagkakait, panay ang reklamo sa mga pagdaramot ng sistemang matagal na nilang tinitiis. Kali-kaliwa ang protesta, at dumarahas ang banggaan ng mga mamamayan at ng mga nakapangyayari sa lipunan. Niyayanig ngayon ang buong mundo ng mga panawagan para sa pagbabago. Subalit ang tanong ng lahat ng nagmamasid at nangangamba: paano at tungo saan? Mahigit na apat na dekada na ang lumipas nang sagutin ng librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP) ang mga katanungang ito. Ngayon, marahil akma ang pagkakataon upang balikan ang mga aral ng LRP, at timbangin ang alternatibong hatid ng radikal ng pagbabago.

Dibuho ni RD Aliposa

Noong bata pa ako, simple lang naman ang aking mga kaligayahan: ang gumuhit at maglaro.

Ang pinakaunang larawan na iginuhit ko para sa aking klase ay isang malawak na palayan na pinagigitnaan ng dalawang malaking bundok at sinisikatan ng isang dilaw na araw. Kapag sinipag pa ako, dinadagdagan ko ito ng isang nakangiting magsasaka, kasama ang kanyang guyito, sa tabi ng isang buhaghag na bahay kubo, lahat sila nakalilim sa isang mayabong na puno.

Naaalala ko pa minsan, habang abala kami ng aking mga kaklase sa pagguhit, biglang bumisita sa aming paaralan si Mayor. Sakay ng kanyang makintab at itim na kotse, inikot niya ang aming barangay. Pinapila pa kami ng kanyang security personnel para lang magmano sa kanya. Isa-isa niyang tiningnan ang aming mga ginuhit, at binigyan niya kaming lahat ng bente pesos. Bago umalis, pinaalala pa niya sa amin na banggitin sa aming mga magulang kung saan nanggaling ang munting biyayang aming natanggap.

Kung hindi man ako gumuguhit, pinaglalaruan ko na lang ang aking Barbie doll, na daig pa ako sa pagpapalit ng anyo. Sa loob ng isang linggo, siya ay magiging nurse, businesswoman, housewife o astronaut. Pagdating ng gabi, hihilera siya sa tabi ni G.I. Joe na napapaligiran ng mga fighter jets, Japanese robots at ilan pang maliliit na sundalo.

Habang tinuturuan kaming gumuhit, ipinapaliwanag pa ni Titser na ang Pilipinas ay isang mayaman na agrikultural na bansa. Dahil sa angking kulay at sigla ng aking mga iginuguhit, lumaki ako sa paniniwalang masaya at masagana ang mga magsasaka sa kanayunan at may malalawak silang lupaing sinasaka. Hindi ko namamalayan na sa aking pagguhit ng isang masaganang kanayunan, unti-unti kong binubura sa aking isipan ang materyal na realidad ng mga magsasaka.

Walang lupa ang karamihan ng mga magsasaka kaya’t napipilitang mangupahan sa mga may-ari ng lupain upang magkaroon ng kabuhayan. Sa kalakarang ito, katiting na bahagi lang ng ani ang napupunta sa mga magsasaka. Bukod sa nababaon sila sa utang, higit silang nasasadlak sa kahirapan.

Mula pa noong panahon ng Kastila, naibahagi na ang mga lupaing pansaka ng Pilipinas sa iilang makapangyarihang pamilya sa bansa. Si Mayor, nagmula siya sa ganoong uri ng pamilya, kaya siguro tinatrato niya ang kanyang pamumuno bilang pangangasiwa ng lupain, kung hindi man isang malaking negosyo.

Sa aking pagtanda, nawalan na ng halaga sa akin ang mga laruan. Ang mga laruan naman, bagama’t may panimulang layon na magbigay saya sa kabataan, ay may mas maigting na layong magpalaganap ng kultura. Kung papapiliin nga naman, mas gugustuhin ni Totoy makipaglaro kay G.I. Joe at sa kanyang pulutong dahil kaya nilang ipagtanggol ang bansa at manakop ng mga bagong teritoryo. At sa araw-araw na pakikipaglaro din ni Nene kay Barbie, lumaki siyang naghahangad maging maputi, matangkad, blonde-haired at blue-eyed. Kaya naman sa kanilang pagtanda, mamamayani ang kanilang pagnanais na manirahan sa isang bansa kung saan umuulan ng nyebe.

Ang pagiging tali ng ating kultura sa Kanluraning kaisipan ay maiuugat sa pagiging tali ng ating ekonomiya. Patuloy na pinapanatili ng Estados Unidos na nakaasa sa kanila ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng paghawak sa mga estratehikong industriya ng Pilipinas at pagsandig ng katatagan ng piso sa dolyar.

Ang mga industriyang katanggap-tanggap sa ekonomiya ay mababanaag sa pabagu-bagong bihis ni Barbie: medisina, pagnenegosyo, siyensiya, komunikasyon atbp. Si G.I. Joe naman ang simbolo ng puwersang militar ng Estados Unidos—at lagi, sa dulo ng mga laro at pelikula, G.I. Joe will save the day.

Sa mahigpit ng ugnayan ng ekonomya’t kultura, madaling naiguguhit at napaglalaruan ng Estados Unidos at ng mga namamayaning uri ang kapalaran ng mga Pilipino. Ang kasaganaan at kapayapaang iginuguhit ko noon, mistulang mito at ilusyon pa rin hanggang ngayon.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s