Pag-ibig, teorya, atbp: Ang mundo ayon kay Gerry Lanuza

Photo by Kiethley Difuntorum

Photo by Kiethley Difuntorum

(Anonimo. This article was first published in print in issue 17 of the Philippine Collegian on 22 November 2012.)

What’s on your mind?

Ito ang nagbabagang katanungan ng Facebook na pilit nating pinupunan ng samu’t saring kasagutan.  Ngunit para kay Sir Gerry Lanuza, ang mga “ka-cheapan” na dulot ng narsisismo ang nagpapapurol sa potensiya ng Facebook bilang isang pulitikal na kasangkapan. Ang isang status update ni Sir Gerry tungkol sa kasawian sa pag-ibig, nagiging oportunidad upang maipakilala at maipaliwanag sa kanyang mga estudyante ang pag-ibig ayon kay Alain Badiou, Jacques Lacan, at pati na ayon sa ebanghelyo ni Hesukristo.

Update Status

Si Gerardo M. Lanuza, Sir Gerry sa kanyang mga estudyante, ay isang propesor ng sosyolohiya sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Kasapi siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP), isang organisasyon ng mga progresibong akademiko sa UP Diliman. Siya rin ang kasalukuyang direktor ng Office of Student Housing (OSH).

Nagtapos siya ng kursong sosyolohiya mula sa UP Diliman noong 1995. Bagamat may mga natanggap siyang alok na trabaho mula sa Pulse Asia, San Miguel Corporation, at isang real estate agency, pinili niyang maging guro sa UP.

“Knowledge is not to be possessed—it should be shared, emancipatory, and liberating. At ginagamit dapat ito sa pagpapalaya ng bayan at ng sambayanan.” Pinagtibay ang paniniwalang ito ng ilang taon niya sa seminaryo bago pa man pumasok ng UP, babad sa mga aral ni Marx at lubog sa kalagayan ng masa.

Ang status updates ni Sir Gerry ay tila ekstensyon ng kaniyang mga debate sa klase at mga karanasan bilang direktor ng OSH. Hindi ito simpleng pagbabalita lang ng mga pangyayari sa araw niya, ngunit pulitisadong pagtatasa sa mga kaganapan na pinapalawig pa ng iba’t ibang teoretikal na pundasyon.

“Pinagagalitan nga ako ng ibang teachers. Sinasabi nila, ‘Gerry, that’s for fun, hindi ‘yan for politicization.’ Sabi ko, ‘No, I will not compromise. Sa tingin ko dapat mas ma-educate ang public diyan, kasi nagiging venue siya for narcissism.”

Bagamat may iba pang mga propesor na aktibo sa Facebook, namumutawi ang pagsubaybay ng mga estudyante sa mga status ni Sir Gerry. Markado ang mga ito ng walang paumanhing pagbatikos, kundi man pangungutya, sa mga “ka-cheapan” ng mga estudyante at mga kapwa guro, lalo na pagdating sa pag-ibig.

“Oo, totoo ang sabi ni [Jacques] Lacan that you should not compromise your desire. Pero ‘wag kang mangharass at maging marahas,” sabi ng isang post. Patok ang mga status ni Sir Gerry patungkol sa pag-ibig, lalo na ‘yung mga tila may pinatatamaan. “Marami akong estudyanteng sawi. Kapag nag-uusap kami, lumalabas sa theories ‘yung mga problema nila sa pag-ibig, which becomes a way of rationalizing it.”

Ngunit sa gitna ng mga paglalagom sa pag-ibig at lipunan, may naliligaw rin na mga pagninilay sa pananampalataya. Marapat na itong asahan mula sa isang gurong kilala sa pagiging Kristiyanong Marxista.

Religious Views

Bago pa man sumali sa Facebook noong 2009, kilala na si Sir Gerry sa unibersidad dahil sa kanyang pagiging militanteng guro. Dagdag pa rito, higit siyang naaalala ng mga estudyante dahil sa kanyang pakikipag-debate tungkol sa relihiyon. Sa mahigit isang dekada niyang pagtuturo ng sosyolohiya ng relihiyon, may mga estudyante na siyang napaiyak, napaniwala, at napabitiw sa kanilang pananampalataya.

Bago pa man siya pumasok ng UP, anim na taon din siya sa seminaryo. Bagamat ayaw niyang pangalanan ang nasabing seminaryo, batid ang naging impluwensiya nito sa kamalayan ni Sir Gerry.

“Sa seminaryo ako na-radicalize, doon ako naging Marxist-Leninist. If you ask me, ‘Gerry, what made you a Marxist?’ Simple—nakita ko ang kalagayan ng mga magsasaka sa probinsiya for one year, nakasalamuha ko ang mga ketongin sa Tala leprosarium, nag-six months ako sa mental health institution sa Mandaluyong. Lubog ako sa masa kasi ang dami kong napuntahan para sa apostolate noong nasa seminaryo ako.”

Ayon kay Sir Gerry, bagamat nagwasto siya ng ilang mga paniniwala sa pagdaan ng mga taon, hindi niya binitawan ang kaniyang pagiging Kristiyanong Marxista sa kabila ng pamumuna ng ilang mga kapwa guro.

“I believe Marxism is compatible with Christianity. Christianity provides me with the values, gives me hope, while Marxism provides me with the scientific analysis to change society. So on the one hand, you have the Communist Manifesto. On the other, you have the Gospel of Jesus Christ. The Communist Manifesto tells you about the means, Christianity tells you about the end. They combine.”

Batid ni Sir Gerry na, sa kabila ng kanyang pagpapaliwanag, marami pa ring estudyante at kapwa guro ang hindi naniniwala sa kanya. Ngunit, aniya, higit sa paniniwala, ang mas matinding hamon para sa kanila ay ang pag-iisip at pagpanig.

Like, Comment, Share

Marami mang tagasubaybay, marami ring naiinis sa mga status updates ni Sir Gerry. Ang iba, nagagaspangan sa lenggwahe. Ang iba naman, tila nasasagasaan ang paniniwala. Sa kabila nito, hindi maisasantabi ang mga obserbasyon ni Sir Gerry tungkol sa mga pagbabago sa unibersidad at sa lipunan.

“[People] are not convinced because I am extreme. It is only by being extreme in my views can I provoke students to think.”

Sa unibersidad kung saan nagsasalimbayan at nagtutunggalian ang iba’t ibang kamalayan, hindi maiiwasang maging batbat ito ng mga kontradiksyon at kabalintunaan. Ngunit sa gitna ng mga kontradiksyon, lalong tumitindi ang pangangailangan sa pagpili at pagpanig.

“Kalaban mo ‘yung mga estudyanteng agnostic kasi wala silang pagpanig. They cannot love. They are afraid to love. Sabi nga ni [Alain] Badiou, loving always takes a risk. Hindi ka pwedeng magmahal nang walang risk. Of course,  masasaktan ka. Of course, marereject ka. But what’s the point kung dahil sa takot na ‘yun, hindi ka na mag-eengage?”

Gamit ang bagong midya bilang kasangkapan ng opensiba, naipaaabot ni Sir Gerry sa mga estudyante at kapwa guro ang hamong paigtinging muli ang pulitisado at militanteng diwa ng unibersidad.

“The challenge for UP faculty is to make [the students] choose to choose. You have to force them to choose to choose, because they don’t want to choose. They don’t have the passion for it anymore.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s