Sa piling ng Poon

Larawan mula kay Kim Pauig


(Unang nailimbag ang akdang ito sa isyu 4-5 ng Philippine Collegian noong 11 Hulyo 2012 bilang bahagi ng Doon po sa Amin ng Kultura.)

Hindi mo gugustuhing maipit sa Quiapo tuwing Biyernes. Kaakibat ng inaasahang pagdagsa ng mga deboto ang pagdami rin ng mga manininda ng samu’t saring reliko at paglilibot ng mga tinatawag na “tirador”– mga snatcher at mandurukot na handang dagitin ang iyong mumunting kayamanan. Marahil, ito na ang namamayaning imahe ng Quiapo sa kamalayan ng maraming Pilipino—isang lugar kung saan nagtatagpo ang kabanalan at kalapastanganan.

Taal sa kamalayan ng mga Pilipino ang Quiapo. Kalimitan, mayroon nang malinaw na ideya at pamilyaridad sa Quiapo maging ang mga taong hindi pa nakakatapak dito. Lumalabas sa telebisyon ang minsanang mga ulat ng krimen sa Quiapo katulad ng talamak na bentahan ng mga piniratang DVDs at ang mga raid na isinasagawa ng Optical Media Board (OMB). Tuwing unang linggo naman ng Enero, tinututukan ng media ang pagdiriwang ng Pista ng Poong Nazareno kung kailan napupuno ng mga deboto ang plaza ng Quiapo.

Sa Quiapo matatagpuan ang Minor Basilica of the Black Nazarene, na dati ay mas kilala bilang St. John the Baptist Church, na dinadayo ng libu-libong deboto tuwing Biyernes. Ilang dekada nang pinanghahawakan ng mga deboto ang kanilang panata sa Poon, kalimitan bilang tanda ng pasasalamat sa mga biyayang iginawad sa kanila ng Señor o pagkapit sa matinding kahilingan na hindi pa natutupad.

Sa nagdaang dekada, lalong napatingkad ang reputasyon ng Quiapo bilang microcosmo ng Maynila dahil sa madalas na paggamit nito sa mga pelikula, lalo na sa mga independent na produksyon. Sa paggamit ng mga tauhang naiipit sa espiritwalidad at kamunduhan, naipabatid ng mga pelikulang tulad ng Santa Santita ni Laurice Guillen at Tirador ni Brillante Mendoza ang mga kontradiksyong bumabalot sa Quiapo bilang isang lugar.

Bagama’t tila nakatutok ang lente ng pelikula at telebisyon sa Quiapo, nananatiling nasa laylayan ang dating itinuturing puso ng Maynila. Bukod sa heograpikal na lokasyon nito sa siyudad, minsan ding nagsilbing sentro ng kalakaran at tahanan ng mga ilustrado at alta sociedad ang Quiapo. Makikita pa rin ang bakas ng matingkad na kasaysayan ng Quiapo sa mga lumang mansion at establisiyimento na nananatiling pa ring nakatayo.

Sa kasalukuyan, nananatili ang ilang lugar ng komersyo sa Quiapo, tulad ng Raon, Hidalgo at Carriedo. Ngunit hindi maikakaila na batbat ng kahirapan ngayon ang Quiapo, malayo sa dati nitong kinang at kasaganahan. Ganito man ang katayuang sinapit ng lugar, tumatayo pa rin itong interesanteng bahagi at representasyon ng siyudad dahil sa angkin nitong kabalintunaan at mga kontradiksyon.

Ang Quiapo, tulad ng buong Kamaynilaan, ay isang lunan na patuloy sa pagkilos, sa paggalaw at sa pagbabago. Pilit mang panatilihin ng pamahalaan ang kaayusan dito, sa pamamagitan ng mga bagong ordinansa at mga batas, batbat pa rin ito ng salimuot at kaguluhan. Ang mistulang kapayapaang hatid ng sanktuwariyo ng simbahan ay tinutumbasan ng ligalig ng mga elemento sa paligid– mga manininda, mga aktibista, mga mandurukot at pati mga pasahero na binabagtas lamang ang daan na ito para sa kanilang susunod na biyahe.

Sa walang humpay na kaguluhan naitatago ang katotohanang wala naman talagang nagbabago sa Quiapo—ito ay mga lumang kalagayan na nagpanibagong-bihis lamang. Kung dating dinadayo ang Quiapo para sa karatig nitong mga sinehan, ngayon dinadayo na lamang ang mga bentahan nito ng mga piniratang pelikula. Napalitadahan at napaganda man ang prente ng Basilika, hindi pa rin nagbabago ang mga pagpapahalagang iniwan ng mga Kastila, tulad ng relihiyosong panatisismo at bulag na pananampalataya.

Batid sa Quiapo ang isang siyudad na hindi lamang kampante sa kanyang mga kabalintunaan at mga kontradisyon, kundi pumapalag din sa pagbabago. Bagamat nakikita sa mga pagbabagong infrastraktural ang pagyakap nito sa mga modernong pagbabago, nananatili pa rin itong tali sa mga kolonyal na pagpapahalaga, tali sa kabanalan at kalapastangangang idinulot ng kasaysayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s