Way of the Ninja: Pagdagit ng pinggan sa Casaa

(Unang nailathala ang akdang ito sa isyu 9 ng Philippine Collegian noong 09 Agosto 2011 bilang bahagi ng Anonimo ng Kultura.)

Way of the Ninja. Bukod sa pagligpit at pag-imis ng mga plato, kasama rin sa trabaho nila ang pagpapalit ng inuming tubig, paglilinis ng mga mesa sa CASAA at pagsasaayos ng kusina. Kuha ni Chris Imperial

Sa kaharian ng College of Arts and Sciences Alumni Association (CASAA) Food Center, na binubuo ng Gloria’s, Chef’s Grille, Pipanganan at iba pang kainan, may tatlong dakilang ninjang laging nagmamasid, laging nagmamatyag, para sa kanilang susunod na pagdagit. Nakikipaglaro sila sa liwanag ng katanghalian, at matapang na hinaharap ang tila hindi maubos na bilang ng mga estudyanteng nagugutom. Pasan nila ang isang dakilang tungkulin: hanapin at bawiin ang natatanging kayamanan ng kaharian, ang mga pinggan.

Ninja Squad

Kulang ang reserba ng mga pinggan upang matiyak na may kakainan ang lahat ng tao sa Casaa tuwing oras ng tanghalian. Kaya naman ang mga dating tagaligpit ng pinggan, nagsanay upang maging mga tusong ninjas.

Tulad ng lahat ng bihasang ninjas, ang kanilang mga kamay ang pangunahin nilang sandata. Kaya nitong makalimas ng isang lamesa sa loob lamang ng ilang segundo. Nakaposisyon sa gitna ng kaharian ang kanilang metal pushcart na pinaglalagyan ng kanilang mga nadagit. Kapag puno na, dinadala kaagad nila ito sa kusina para mahugasan ang mga pinggan at kubyertos. Upang mapadali ang pagbabalik, may partikular na kulay ng pinggan para sa bawat kainan, tulad ng itim para sa Pipanganan, puti para sa Gloria’s at Sizzler at orange naman para sa Chinatown.

Dalawampu’t limang taon nang ganito ang trabaho ng Casaa ninja na si Emilio Serrano, o mas kilala bilang Kuya Emil. Sa edad na 44, siya pa rin ang pinaka-notoryus na ninja sa kaharian, listo at mapagmatyag. Dahil dito, nabansagan na siyang “Master Buddha” ng mga estudyante, bukod pa sa kanyang nakakahawang ngiti at bilugang pangangatawan. Tuwing maririnig ang dagundong ng kanyang mga yapak, may mesang nanganganib mawalan ng plato.

Hindi nalalayo kay Master ang kanyang dalawang disipulo na sina Archie Garrido at Philip Licup. Naturingan silang mga “Bad Boys” ng kaharian, dahil sa kanilang natatanging angas at imbay, bukod pa sa kanilang mala-snatcher na bilis at katusuhan. Walong taon nang ninja si Kuya Archie, samantalang 16 na taon nang nandadagit ng plato si Kuya Philip. Kasama ni Kuya Philip ang kanyang asawa na si Ate Rosiel, na labintatlong taon nang naghuhugas ng pinggan sa kaharian ng mga kainan.

Ano mang kaguluhan ang hatid ng oras ng katanghalian, maaari pa itong lumala sa oras na maubos ang mga pinggan at kubyertos. Kaya naman patuloy na lumilikha ang mga tusong ninjas ng mga pamamaraan upang maiwasan ang krisis.

Mga taktika ng digma

Ayon kay Kuya Emil, hindi na talaga sapat para sa kanila na hintayin pang umalis ang kumakain bago sila makapagligpit. “Ang mga tao naman kasi sa Casaa, mas lamang ang tambay kesa kain. Kaya kapag alam naming papatapos na sila, kinukuha na talaga namin kaagad para mahugasan na,” aniya.

Dekada ng pag-eensanyo ang kailangan upang maging mahusay sa pagdagit ng mga pinggan. Ngunit gaano man kagaling, minsan ay pumapalya pa rin. “Minsan naman talaga nahuhuli. Lagi nga ako’ng nasisigawan ng ‘Kuya, kumakain pa ako!’. Siyempre, ako, hihingi na lang ng sorry tapos maghahanap na lang ng ibang liligpitin,” ani Kuya Archie. May mga pagkakataon ring hinahabol ng mga estudyanteng naagawan ng pinggan ang mga ninja, lalo na kung gutom ang mga patron at mag-eextra rice pa.

Dahil kilala sa pagmamasid at pandadagit, buntunan sila ng suspetsa kapag may mga nawawalang kagamitan sa kaharian. “Akala ng mga tao dahil nangunguha kami ng pinggan, nangunguha na rin kami ng kung anu-ano. Tuwing may nawawalang laptop o payong diyan, kami ang unang napagbibintangan,” ani  Kuya Emil.

Subalit kailan man, hindi raw sumagi sa kanilang isipan na kumuha ng mga mumunting kayamanan bukod sa mga pinggan. Gaano man kaliit ang kanilang naiuuwing sahod mula sa pandadagit, nagagawa naman nilang pagkasyahin iyon para sa mga gastusin nila sa tahanan.

Isang mahalagang (ko)misyon

Sa kanilang paglilingkod sa kaharian, nakakakuha ang mga ninjas ng P4,290 na sahod tuwing a-kinse. May SSS at PhilHealth sila, subalit hindi sila libre ng pananghalian. Wala rin umanong mga benepisyong natatanggap ang mga ninja. Bagaman matagal na sa Casaa, minsan lang nakakuha ng loyalty award si Kuya Emil — bonus na P1,000 na ibinigay noong sentenaryo ng UP.

Mapalad si Kuya Emil dahil hindi siya pamilyado, at katuwang pa niya sa gastusin ang kapatid na namamasada ng traysikel sa Krus na Ligas. Sina Kuya Archie at Philip, parehong may asawa at anak.

“Hindi sa paano napagkakasya ang kita, eh. Kailangan talagang magkasya,” ani Kuya Archie. Mabuti na lang din at katuwang niya sa gastusin ang asawang si Josephine, na minsang nakapapasok na kahera sa mga fast food chain, at ang amain na namamasada naman ng traysikel. Sapat naman raw ang kinikita ni Kuya Philip at ng kanyang asawa mula sa Casaa upang mapag-aral ang dalawa nilang anak na nasa grade 6 at kinder.

Maliit man ang pabuya sa kanilang paglilingkod, ito ang nagbibigay seguridad sa kanilang mga buhay. Aminado ang tatlo na hirap silang makahanap ng trabaho dahil high school lamang ang kanilang natapos. Dating tagagawa ng siopao sa Kowloon House si Kuya Emil, subalit dalawang linggo lang siya tumagal dito dahil sa iringan sa mga kasamahan sa kusina. Cook naman sa isang pares at mami house sa Sikatuna si Kuya Archie dati, samantalang attendant naman sa isang gas station sa Katipunan si Kuya Philip. Tila dinadaya raw sila sa baba ng sweldo at sa hirap ng kanilang mga dating trabaho.

Para sa tatlo, mapalad sila at napasok sila sa Casaa. Mas mainam na para sa kanila na makipag-agawan ng plato kaysa makipagsapalaran pa sa ibang kaharian upang makahanap ng ikabubuhay. Sa hirap ng buhay ngayon, laking pasasalamat na din nila at may sigurado silang napagkukunan ng pera. Tulad ng mga estudyante, nakikisalo sila sa pag-asang hatid ng pananatili sa unibersidad.

Maaasahan ang mga Casaa ninjas upang siguruhing may magagamit na malilinis na pinggan at kubyertos ang mga estudyante. Bawat pinggang nadadagit nila ay katiyakan na makakapaghatid naman sila ng pagkain sa mga hapag ng kanilang tahanan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s