Dear Manny

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 20 ng Philippine Collegian noong 12 Disyembre 2012.)

Sa totoo lang, hindi ko naman masyadong ininda ang pagkatalo mo. Ganyan naman talaga ang patakaran sa larangan ng palakasan—may nagwawagi at may natatalo. Kung hindi mo rin naman naranasang matalo, hindi rin siguro magiging kasingtamis ang iyong mga sumunod na tagumpay. Bilang isang boksingero, nakamit mo na marahil ang lahat ng maaari mong matamasa—samu’t saring titulo, sandamakmak na salapi, katanyagan, pati na pulitikal na kapangyarihan—at dahil diyan, nananatili pa rin akong isang tagahanga.

Nakatulong din marahil ang hindi ko pagkapanood sa laban mo. Naghuhugas kasi ako ng pinggan noon, kaya naman ang tunog mula sa telebisyon at hiyawan ng mga kasama ko sa bahay ang nagsilbing hudyat sa mga sumunod na pangyayari. Madali siguro para sa aking tanggapin ang iyong pagkatalo dahil hindi ko naman nakitang lumagatak sa mukha mo ang suntok na nagpatumba sa iyo. Pagharap ko sa telebisyon, nakahandusay ka na sa telon, tila nagpahinga matapos ang anim na rounds ng umaatikabong suntukan.

Hindi ko kailanman malalaman kung gaano iyon kasakit; wala rin naman akong ambisyon masuntok sa mukha. At, marahil, sa tagal na rin ng iyong naging karera, manhid ka na rin sa mga ito. All in a day’s work, ika nga ni Coach Freddie. Ngunit ang pagbagsak mo, tila naghatid ng kirot sa aking puso. Sa mga pagkakataong ito na napagtitipon mo ang buong bansa, kung saan nalilinis ang mga kalsada at bumababa ang bilang ng krimen tuwing may importante kang laban, sadyang nasanay na akong makita na ikaw ang nagpapatumba sa kalaban.

Sa sobrang laki ng aming kumpiyansa sa iyong kakayahan, sinisisi na lang namin sa ibang bagay ang iyong pagkatalo. Madaming nagsasabi na baka luto daw ang laban, para may rematch na naman kayo ni Marquez sa susunod na taon. At sabi nga din ni Mommy Dionisia, natalo ka daw dahil hindi ka na nagro-rosaryo. Sinisi pa niya ang kung sinong pastor na marahil wala namang alam sa mga patakaran ng boksing. Hindi ka rin daw kasi nagdasal kay San Pedro Calungsod kaya ka natalo, sabi naman ng mga ka-opisina ko.

Ika nga, kanya-kanya naman ding paniniwala ‘yan. Wala rin naman akong alam sa kung ano ang namamagitan sa inyo ni Hesukristo; matanda ka na, at ‘yan ang napagdesisyunan mong pananampalataya. Ang naiintindihan ko lang, wala na dapat itong kinalaman sa naging laban mo. Gaya nga ng nauna kong sinabi, ito ang patakaran sa larangan ng palakasan—may nagwawagi at may natatalo.

Sa loob ng ring, ikaw at ang iyong kamao pa rin ang mapagpasya. Suntok man o salag, ikaw ang nagtatakda ng akmang galaw para sa pagkakataon. Sa kasamaang palad, sa pagkakataong ito, tila mali ang naging pagbasa mo sa kilos ng kalaban. Bilang dati mong katunggali, minaliit mo ang kanyang kakayahan kaya naman nalusutan ka hanggang sa ikaw ay napatumba. Nadali ka ng iyong palalong kamao.

Ngunit pakatandaan mo, tulad ng sa mga dati mong laban, madaling bumangon muli. Hindi pa iyon ang huling sampung segundo ng iyong buhay. Hangga’t may lakas pa ang iyong bisig, hangga’t may tigas pa ang iyong kamao, mag-ensayo ka lang ng mag-ensayo para sa iyong susunod na laban. Marami pa ring nakapilang katunggali, inaantabayanan ang lagatak ng iyong kamao sa kanilang mga mukha. Alalahanin mo, isang laban lang ‘yan. Hindi pa iyan ang katapusan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s