Walang Uwian

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 18 ng Philippine Collegian noong 29 Nobyembre 2012.)

Hindi ko na alam kung anong hitsura ng bahay namin.

Mahigit sa isang linggo na kasi akong hindi umuuwi. Ilang araw na rin akong kinakapos sa pera, pagkain, at paligo. Buti na lang mababait ang mga kaibigan ko, isang text ko lang sa kanila pwede na akong makikain ng hapunan, makipaligo, at makitulog sa mga bahay nila. Ilang sofa at kutson na rin ang napalundo ko dahil sa kabigatan ko, pero mukhang ayos lang naman sa kanila iyon basta hindi ako natutulog sa sahig.

Kung walang ibang mapuntahan, nandyan lang din naman ang opisina—maluwag, malinis, air conditioned, tagpuan ng matatalino at magagandang nilalang, pero konting tiis nga lang kapag walang tubig sa banyo at kailangang palayasin si Mang Romy.

Minsan iniisip ko, hindi ako dapat nagtataray kay Mang Romy kasi pareho lang naman kami—mga palaboy na may bahay at pamilya na ayaw uwian. May pamilya pa si Mang Romy, at minsan nag-iipon siya ng barya para sa pamasahe pauwi ng Anonas. Pero mas pinipili niyang manatili sa 4th floor ng Vinzons, sa opisina namin kung saan lagi din naman siyang itinataboy.

Hindi naman sa itinataboy din ako ng mga kasama ko sa opisina, pero may bahay at pamilya din ako na ayaw kong uwian. Lagi’t lagi akong tinatanong ng nanay ko kung uuwi ako, at lagi’t lagi ko ring sinasabi na uuwi ako mamaya kahit hindi ko naman ginagawa.

Linawin ko lang a. Hindi naman ako galit sa nanay ko, at hindi naman kami nag-away. Ayaw ko lang talagang umuwi. Pakiramdam ko kasi minsan, wala namang puwang para sa akin sa sarili kong bahay. Buti pa sa opisina nakakatulog ako sa sofa nang matiwasay, samantalang sa bahay, naitutulak pa ako paalis ng kama.

Pasensiya na, parang ang babaw ng dahilan ko. Mahalaga kasi sa akin ang espasyo. Kung wala din naman akong puwang sa mundo mo, hindi ko na ipagsisiksikan ang sarili ko. Kaya mas masaya rin ako sa pagiging palaboy ko, ang dami kong nadidiskubreng puwang na malugod ang pagtanggap sa akin, kahit panandalian lang. Hindi man ako nagtatagal sa isang lugar, lagi naman akong bumabalik.

Kaya naman baka umuwi din ako mamaya pagkatapos kong magsulat.

Nakikita ko na ang mga napipintong pagsalubong. Pagbukas ko ng gate, matutumba ng aso ko ang mga paso ng oregano sa harap ng bahay sa kanyang pagpupumilit na lumapit sa akin. Ang kapatid ko, may nakapasak na earphones sa tenga kaya hindi man lang mapapansin ang aking pagdating. Ang nanay ko, kung hindi man tulog, nasa harap ng kanyang laptop at nag-aayos ng mga numero sa spread sheet.

“O, umuwi na ‘yung galing Dubai, batiin niyo naman.”

Pero alam kong wala namang ibang babati sa akin kundi ang aso ko, ang nanay ko, at mga butiki sa kisame. Ilalapag ko ang bag ko sa sahig, at saka unti-unti kong lilinisin ang kama. Tila nga wala nang puwang para sa akin sa sarili kong tahanan, pero fuck that, there’s still no place like home.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s