Bantay-salakay

Photo-manipulation ni RD Aliposa. Halaw sa mga litrato ng Ang Gerilya.

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 26 ng Philippine Collegian noong 14 Pebrero 2012.)

Sa dulo ng overpass sa Philcoa, nanlilisik na mga mata ang tatambad sa iyo, mga mata ng isang mukhang pinuluputan ng isang matingkad na pulang bandera, mistulang nakakubling ninja o nagmamasid na gerilya.

Bagamat tadtad ang pader ng iba pang mga dibuho at samu’t saring mga pangalan, tumatak ang isang ito dahil sa kakaibang pormasyon at pagkakatindig ng mga tauhan nito. Hindi ito graffiti na nagmamarka ng teritoryo at nagtatakda ng pagkakakilanlan ng isang grupo; ito ang unang paglitaw ng mga makabagong kabataang mandirigma na kalaunang tatawaging mga Pinoy Rangers. At kamakailan, nang sumulpot ang mga likhang gerilya sa isang art gallery, umani ng mga kaaway na kapwa street artists ang mga Gerilya.

Kamehame Wave

Nobyembre noong nakaraang taon, kasabay ng pagdiriwang sa kaarawan ni Andres Bonifacio, nang nasilayan sa Philcoa overpass ang imahe ng tatlong maskaradong kabataan, lahat nakatindig at tila handang-handa sa pakikipaglaban. Kapansin-pansin ang kanilang pormasyon, pati na ang telang nakabalot sa kanilang mga mukha. Isang linggo makalipas, burado na ang kalakhan ng dibuho. Gayunpaman, tumatak ito sa alaala at kalaunang binansagan na Pinoy Rangers dahil sa pormasyon nilang kahalintulad ng sa Power Rangers.

Ang Pinoy Rangers ang unang eksibisyon ng grupong Gerilya, isang grupo ng mga graphic artists na binubuo ng mga mag-aaral ng UP Diliman Fine Arts at dating mga ilustrador para sa Philippine Collegian. Naging kilala ang grupo dahil sa kanilang mga likhang dubuho, paggawa ng komiks at pagsagupa sa mundo ng street art at graffiti.

Nagsimula bilang street art ang Pinoy Rangers, at nagsisilbing pagtatapos ng kanilang serye ng mga proyektong produkto ng wheatpasting na nagsimula sa mga pader ng Philcoa at Katipunan. Bagama’t nagsisilbing pagtatapos, maituturing din na isang panibagong simula ang eksibisyon para sa mga Pinoy Rangers dahil nabigyan sila ng panibagong-kulay sa lona at kahoy.

Ang wheatpasting, kadalasang itinuturing din na street poster art, ay isang proseso ng pagdidikit ng mga dibuho sa pader gamit ang gawgaw o almirol. Sa prosesong ito, dahil may kalayaang ilapat muna ang ilustrasyon sa papel sa loob ng isang ligtas na espasyo, mas napagtutuunan ng pansin ang paggawa sa likhang sining.

Higit ding mas mabilis ang proseso ng pagdidikit kumpara sa direktang pagpipinta sa mga pader. Bagamat nasisiguro ng prosesong ito ang kaligtasan ng grafitti artist, dahil napapadali ang pagtakas at pag-iwas sa mga awtoridad, hindi nito natitiyak ang katagalan ng likhang sining. Ang makintab at makulay na tindig ng mga mandirigma ngayon, maaaring maging gula-gulanit sa pagtatapos ng linggo.

Marahil ang katotohanan ding ito ang nagsilbing dahilan ng Gerilya sa paglalagak ng kanilang Pinoy Rangers sa lona at kahoy mula sa nakagawiang pader at papel. Bagamat lihis sa orihinal nitong pinanggalingan, sa ganitong paraan napatatagal ang buhay ng likhang sining. Ang pabagu-bago at marahas na kalagayan sa lansangan at mga pader ang nagsisilbing impetus at katwiran ng mga street artists sa kanilang walang katapusang pagdidikit ng kanilang mga napapanahong likha sa lantad na espasyo.

Pinoy Rangers

Ginamit ng Gerilya ang iba’t ibang bandila ng Pilipinas, mula noong panahon ng Katipunan hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa kanila, nagsisilbi ring pagkilala sa mga magsasaka, mga manggagawa at mga aktibista ang paraan ng pagkakapulupot ng mga bandilang ito sa ulo ng mga kabataang mandirigma. Bagama’t nakakubli ang mga mukha at identidad, batid sa lisik ng kanilang mga mata ang angking katapangan.

“Kumuha kami ng mga images doon sa mga flags ng Pilipinas. Nagsimula pa ng mga sa Katipunan hanggang sa kung ano na yung mayroon tayo ngayon. Sa panahon ngayon ng false heroism ng mga Western na heroes, gusto naming bumalik sa kung ano ba ‘yung totoong heroism,” paliwanag ni Ralph Lumbres, isa sa miyembro ng Gerilya.

At bilang mga kabataang lumaki noong dekada ’90, nagsilbi ding inspirasyon para sa kanila ang mga Japanese superheroes ng kanilang panahon, batid na rin sa mga tindig at pusturang mala-sentai at shonen ng mga maskaradong mandirigma.

Isa sa mga pinakamapaglarong piyesa sa kanilang eksibisyon ang “Fusion Dance ni Magdalo at Magdiwang Ranger.” Pahaba itong obra kung saan isinasayaw ng dalawang kabataang mandirigma, suot ang mga bandila ng pangkat Magdalo at Magdiwang ng Katipunan, ang Fusion Dance mula sa Dragon Ball. Anila, isa itong pagninilay sa kung ano kaya ang maaaring magbago sa kasaysayan kung nagkaisa at naging matatag lamang ang Katipunan.

Pinagsama nila ang mga imahe ng rebolusyon, batid sa paggamit ng mga bandila ng Katipunan, at ang mga tindig sa pakikipaglaban ng mga Japanese superheroes upang paglaruan ang ating nosyon ng kagitingan at kabayanihan. Sa panahon na nakasalalay sa pagtugis ng mga dambuhalang halimaw at pagharap sa mga apokaliptikong senaryo ang nosyon ng kabayanihan at kagitingan, may puwang pa ba ang rebolusyonaryong diwa sa mga mandirigmang kabataan?

Fusion Dance

Tumanggap ng batikos ang eksibisyon ng Gerilya sa Kanto Gallery mula sa iba pang mga samahan ng graffiti at street artists. Anila, hindi na maituturing na street art ang mga gawang ito ng Gerilya dahil nailagak na ito sa espasyo ng isang art gallery.

Ang nararapat na espasyo raw para sa tinatawag na street art ay ang lansangan at ang mga pader nito, kung saan higit ang panganib at kompetisyon para sa kanilang mga likhang sining, hindi lamang mula sa mga kapwa graffiti at street artists, kung hindi pati na rin mula sa mga elemento tulad ng pagbabago ng panahon, pagdaan ng mga tao at pati na paglilinis ng mga awtoridad. Ang potensiyal ng street art ay nakasalalay sa akto ng pagtunggali at paglaban.

Ngunit iba-iba man ang mga kadahilanan sa paggawa ng street art – subersyon, teritoriyalisasyon, o ang simpleng paglikha ng sining – iisa lang ang pagtingin dito ng estado: bandalismo. Sa pampublikong pader, bagama’t mataas ang antas ng kasiningan ng isang likha, ituturing pa rin itong bandalismo ng estado, isang rungis sa pampublikong espasyo na kailangang burahin o tanggalin.

Sa ganitong pagtingin, humina man ang nosyon ng tunggalian ng Pinoy Rangers dahil sa paglipat nito sa isang privileged na espasyo, bahagi lamang ito, para sa Gerilya, ng ebolusyon ng kanilang sining, isang panibagong sipat sa kanilang mga likha bilang isang imahe.

“Kaya nga kami nag-street art, kasi gusto namin lumawak yung audience, dumami yung makakita ng art namin. Sa gallery, kailangan namin ng isang space para lagyan ng ending yung project namin na Pinoy Rangers,” ani Nico Villarete, isa pang miyembro ng Gerilya.

Masasabing may epekto ang espasyo sa paggagap ng mga likhang sining. Sa mga pampublikong pader, may elemento ng sorpresa at pagkabigla na nagbibigay sa mga dibuho ng mas malalim na kahulugan. May kakaibang pagpukaw sa damdamin ang mga likhang sining na natatagpuan sa mga hindi inaasahang espasyo.

Ngunit may naiaambag ding ibang dimensiyon ang pagkakalagak ng mga Pinoy Rangers sa tahimik na espasyo ng isang art gallery. Dito, mas nabibigyan ng kalayaan ang tagamasid na pahalagahan at pagnilayan ang kagandahan at kahulugan ng likhang sining, malayo sa ingay at gulo ng siyudad. Sa isang art gallery, bagama’t hubad man kasiningan at kahulugan, napapatawan pa rin ng kalamangan ang isang obra bilang isang lehitimong likhang sining.

Sa kasong ito, tila patuloy lamang sa pagbabagong-anyo ang ating mga Pinoy Rangers, mula sa mga nakakubling gerilya sa ating mga lansangan tungo sa pagiging makabagong ikonograpiya ng bayani sa ating mga art galleries.

Kung tutuusin, isang panibagong teritoryo ang art gallery para sa mga street artist tulad ng Gerilya, at sa halip na pagpapasailalim ay maaari itong ituring na isang akto ng pagsalakay. Ayon sa kanila, hindi naman matatapos ang kanilang pagdidikit sa mga pader, ngunit hindi rin matitigil ang paghahanap ng iba pang abenida sa paglalantad ng sining. Maaaring malimitahan ng espasyo ito ng paggagap ng mga tagamasid, ngunit ang talas nito bilang isang akda ang siyang dapat mamayani, nasa marungis na pader man ito o nasa antiseptikong art gallery.

Leave a comment