Kinakapos

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 6 ng Philippine Collegian noong 18 Hulyo 2012.)

Ulol.

Tila pinutakte na ang araw ko ng mahiwagang salitang ito, mula sa aking paglalakad palabas ng bahay hanggang sa pagsusulat ko ng aking unang kolum. Madalas ko mang bitawan ang salitang ito, dala ng bisyo o sadyang kinapos na lamang ng pambalik insulto, hindi ko pa rin talaga alam kung ano ang totoong ibig sabihin ng salitang ito o kung saan ito nanggaling.

Tulad ng lahat ng responsableng mag-aaral, naghanap ako ng kahulugan nito sa internet. Aking napag-alaman na ang kahulugan pala ng ulol ay tanga, hibang, nababaliw o nasisiraan ng ulo. Dagdag pa, kalimitan daw itong ginagamit na pantukoy sa mga asong may rabies. Isa sa mga nakita kong pakahulugan, may larawan pa ng asong bumubula ang bibig habang nanghahabol ng mga bata.

Ulol, sabi ng nanay ko. Ang lambing-lambing talaga niya, pinabaunan pa ako ng matatamis na salita habang palabas ako ng bahay. Nag-aaral pa daw ba talaga ako, o kumekerengkeng na lang. Bakit daw ang dalas ng pamamalagi ko sa opisina habang wala naman akong napapala sa pagsusulat ko para sa diyaryo. Ni hindi pa daw sapat na baon ang nakukuha kong honorarium. Siguro nga may sira na ang ulo ko dahil nilayasan ko lang siya at pinagbagsakan ng pintuan.

Ulol, sabi ng isang estudyante sa mga aktibistang nagyayaya sa kanilang lumabas sa silid-aralan upang sumama sa isang protesta. Natawa naman ang buong klase, tila pagsang-ayon sa kanyang sentimiyento. Bakit nga naman sila lalabas ng kanilang silid-aralan? Bukod sa mamarkahan silang absent, hindi nila maririnig ang makabuluhang leksyon na inihanda ng kanilang propesor. Siguro nga may sira ang ulo ng mga aktibistang ito dahil kahit hindi sila pumapasok sa klase, humihingi sila ng dagdag budget sa edukasyon.

Apat na letra, dalawang pantig, sanlaksang pakahulugan. Sa kanyang iksi, sadyang madaling bitawan at tila dumudulas sa bibig. Ngunit kapag napakawalan na, maaaring makapagsiwalat ng mga natatanging kontradiksyon at kabalintunaan. Sapagkat hindi ito simpleng pasaring o insulto, isa itong diagnosis, sandig sa namamayaning pamantayan ng “katinuan” ng sinumang sumasambit nito.

Kung matino kang estudyante, hindi ka dapat lumiliban sa klase kung walang matinong dahilan, tulad ng masamang panahon at pagkakasakit. Marapat ding magpakita ka ng utang na loob sa pamahalaan dahil sila ang nagpapaaral sa iyo, at taliwas dito ang pagsama sa mga kilos-protesta. Kung matino kang anak, dapat umuuwi ka sa bahay sa tamang oras at naghahanap-buhay na sa tamang edad. Lantad na lantad ang mga pamantayan ng “maayos na pamumuhay” kaya naman baliw na lang talaga ang hindi susunod sa mga ito.

Mas marapat tayong matakot sa mga pamantayang ito at sa mga taong nagtatakda sa kanila. Bukod sa pagpapalaganap ng ilusyon ng kalayaan, pag-unlad at pagbabago na kaakibat diumano ng “katinuan”, tahasan nitong ikinukubli ang katotohanang itinakda ito upang magsilbing mekanismo ng pagdidisiplina sa lipunan. Sa paghahari ng ganitong pamantayan, mas nanaisin ko na lang sigurong maging isa sa mga hibang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s