Wer n u?

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 5 ng Philippine Collegian noong 19 Hulyo 2013.)

Iginuhit ni Ysa Calinawan.

Sanay na akong gumising sa mga hindi pamilyar na kwarto—may iba’t ibang kulay at disenyo.  Ngayong umaga, tumambad sa akin ang naninilaw na kisame ng isang three-star hotel sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Bago pa man kayo maghinala sa ginawa ko kagabi, uunahan ko na kayo: trabaho lang ito. Nag-assist ako sa isang training workshop ng isang NGO kahapon at kasama sa kontrata ang hotel accommodations at pagkain. Agad kong tinapos ang deliverables ko para sa training dahil may klase pa ako mamaya.

Lampas alas-nuwebe na pala. Nag-alala tuloy ako na baka mahuli ako at wala nang abutang pagkain sa ibaba.  Wala pa naman akong mabibilihan ng mas mura pa sa singkwenta.

Agad kong hinanap ang dambuhala kong backpack na puno ng mga damit, babasahin at mga resibong naipon sa nagdaang taon. Tila pasan ko ang daigdig kasama ang pipitsuging digicam at bulok na laptop na pamana pa ni Nanay.

Ito na ang naging buhay at “bahay” ko mula nang magsarili ako dalawang taon na ang nakalipas. ‘Yun lang naman ang silbi ng bahay ‘di ba, imbakan ng mga gamit?

Sinubukan kong mag-boarding house dati kasama ang mga kaibigan ko pero gastos lang din naman, dahil nagmistula lang itong imbakan ng mga naipong readings, labada at gabok.

Tatlong oras lang akong nakatulog pero binaha pa rin ako ng mga mensahe at ni isa wala man lang bumati ng magandang umaga.

Nahagip ng mata ko ang isang mensahe, “wer n u? my report p tau tom d p tau nagmit as a grp. mtg at my katips condo l8er. reply asap pls if u cn make it. tnx,” sabi ni Stevenson.

Sosyal, condo sa Katips. Kakapalan ko na ang mukha ko kahit kagrupo ko lang siya sa klase. “hello. J if ever late tayo matapos, can i stay over? thanks. J”

Ayan, mukhang may matutulugan na ako mamaya. Feel ko, harmless naman si Stevenson saka may iba naman kaming kasama kaya sa tingin ko okay lang sa kanya.

“xur. c u. pls bring ur laptop n ur readings. tnx,” ang tipid niyang sagot.

Dumiretso ako ng Katips pagkatapos ng klase. Kung maaga man ako, dun na lang muna ako magtatrabaho. May tinatapos din kasi akong transcription para sa isang kompanya.

Wala pa lang klase ngayon si Stevenson. Nasa Bataan din daw ang Tito Romy niya para sa isang routine inspection. Tulad ng inaasahan, sobrang aga ko para sa meeting namin. Inalok niya ako ng merienda at hinayaang makigamit ng wi-fi nila para malibang daw habang naghihintay.

Bagaman bago ang building, tila matagal na silang nakatira dito. Napapalamutian ang sala ng mga piling artworks, paintings at sketches na gawa ng Tito niya. Tila madami nang napuntahang lugar ang Tito niya—sa Baguio, sa Singapore at maging sa Costa Rica.

Naalala ko bigla ang bahay namin sa Cainta na halos dalawang taon ko nang hindi nadadalaw. Doon pa rin kaya nakatira ang mga magulang ko? Nasa estante pa rin kaya ng kwarto ko ang picture namin nung minsang nagpunta kami sa Megamall noong bata pa ako?

Bumalik si Stevenson bitbit ang isang plato ng carbonara at isang baso ng orange juice. Pilit kong itinago ang nangingilid kong luha. Ayaw ko mang aminin sa sarili ko, pero miss ko na ang dati kong kwarto.

Leave a comment